Wednesday, January 24, 2007
Nang maubos ang "tansan"
Kinakalawang man o bago ay napakahalaga na marami ka sapagkat nakasalalay dito ang mga oras sa pakikipaglaro sa mga kaibigan o kapitbahay.
Tinatawag naming "tansan" o iyong takip ng bote ng softdrinks o kaya'y beer (sa English, bottle crown). Naging bahagi ng buhay hindi lang ng mga mahilig sa softdrinks gaya ng Royal True Orange, Sprite, Coke, Pepsi Cola, Sarsi, Merienda, Mountain Dew, at San Miguel beer. Ito'y naging laruan ng mga bata noong wala pang "console games".
Paano pinapaglaruan iyong "tansan"? Kung sa kasino ang gamit ay mga "chips"; sa mga bata ay tansan.
Madalas magamit ang tansan na panaya sa "taksing" na kung saan ang bawat manlalaro ay maglalagay ng magkakaparehas ng bilang sa loob ng guhit na bilog sa lupa. Ang mga kasali ay mayroong tig-iisang bato na tinatawag na "pamatok". Maglalagay sila ng guhit na medyo malayo sa bilog. Ihahagis nila ang kani-kanilang pamatok palapitan sa may guhit para malaman kung sino ang mauuna na titira sa mga nakalatag na tansan sa loob ng bilog.
Mula sa guhit, titira ang unang manlalaro at ang lalabas na tansan sa bilog ay kanyang pag-aari. Hihinto lang siya ng pagtira kung walang nailabas. Susundan ito ng ibang mga manlalaro hanggang mailabas lahat ang tansan.
Ginagamit din ang tansan sa "kara krus".
Dahil halos lahat ng bata ay naglalaro nito, madalas maubusan ng tansan sa barrio na kung saan saan na ay naghahanap. Oo, sa basurahan ang bagsakan ng mga bata.
Parang pera ang halaga ng tansan noon. Hindi pa ring maipaliwanag kung bakit kahit kinakalawang ay itinuturing pa ring magandang pampalipas oras.