"Sige, ihahanda ko ang dalawang kahon ng posporo.", wika ni Jay.
"Sama din ako sa inyo, wala na yata akong gagamba kaya di na ako masaya", bigkas ni Richard.
Kinabukasan ay sumama ako kina Jay, Toyong, at Richard tungo sa Palaris, Asingan. Maaninag sa aming mga mata ang kagalakan sa paglalakad patungo sa kabukiran na may mga puno ng bayabas sa gilid. Habang dumadaan kami sa "tambak" ay inuumpisan na namin ang paghahanap.
Sina Toyong at Jay ay nagtungo sa kanluran na kung saan ay maraming malilit na bayabas at siguradong may mahahanap sila doon. Pumunta naman kami ni Richard sa may mga talahib. Hindi gaanong malayo sa dalawa na napapakinggan namin ang kanilang tinig.
Masarap ang simoy ng hangin sa lugar na iyon ngunit damang-dama namin ang hirap ng pag-apak sa putikan sapagkat katatapos lang ng buhos ng ulan. Gayundin, inalis na namin ang aming tsinelas dahil medyo malalim ang putik.
Una naming hinahanap ay ang saput na iniwan ng gagamba. Ginagamit ng gagamba ang saput sa paglipatlipat ng lugar. Samakatwid, susundan namin ang saput dahil kung saan magwawakas ito ay nandoon ang gagamba.
Sa aming paglipatlipat ng dahon ng talahib na may saput ay biglang.
"Akin ang gagambang iyan!", galit na galit si Toyong.
"Anong iyo, ako ang nakahanap!", sigaw ni Jay.
"Ibigay mo sa akin yan, kung hindi....", sagot ni Toyong. "Ako ang nakahanap ng saput, tinulungan mo lang ako".
Ipinipilit pa rin ni Jay na dahil siya ang nakahanap ng mismong gagamba ay pag-aari niya ito. Nasundan niya ang saput na unang natagpuan ni Toyong.
"Huwag na kayong mag-away. Jay, heto may nahanap ako. Ibigay mo na iyan kay Toyong", mapagbigay na mga salita ni Richard.
Masayang-masaya kaming umuwi. May tig-iisa kaming gagamba.
Gagamba. Isa sa mga laro ng mga Pilipino na di maaring kalimutan. Mayroon tayong iba't ibang kuwento tungkol dito ngunit alam natin ang kagalakan na handog na laro. Isang pampalipas oras ng mga pinoy na sabi nga, "Only In The Philippines".